Una ko siyang nakilala noong first year highschool kami, transferee siya. Classmates kami pero hindi ko siya gaanong pinapansin, magkaiba kami ng circle of friends.
Third year highschool, naging kaklase ko ulit siya. Hindi ko matandaan paano nagsimula ang pagkakaibigan namin pero masaya ako dahil hindi ko inakala na hindi pala siya yung taong inakala ko dati na mayabang ay down to earth pala at kwela. Nagkaroon kami ng instant connection.
He was the student council vice president and a consistent class officer. Meron siyang “masa” appeal, may charm sa mga kapwa estudyante na wala ako.
Naging tamabayan ko ang bahay nila dahil malapit lang sa school. Doon ko din nalaman lahat ng tungkol sa kanya. Parehas na high ranking officials sa PNP ang magulang niya. Apat silang magkakapatid, bunso siya at unico hijo.
Naging partner in crime kami sa panliligaw at pambobola sa mga chickas. May pagkachickboy si bestfriend, meron siyang record na pinanghahawakan pagdating sa mga babae, ako ay record holder sa pagiging torpe.
Andoon siya noong una akong nabasted ng nililigawan ko, sinama niya ako sa kanila dahil wala ako sa wisyo sa sobrang kalasingan. Takbuhan din niya ako sa di mabilang na heartbreaks niya.
Kinukunsinte ko siya pagdating sa kalokohan. Ako ang nagtatakip sa kanya sa parents niya kapag kailangan, walang reklamo.
Adopted son ako sa bahay nila at siya sa amin. Kasama ako sa pangaral nila tito at tita kapag sinesermunan siya.
He went to UST for college, sa ibang school naman ako pero hindi doon natapos ang pagkakaibigan namin. Parati pa rin akong nasa kanila kapag may mga okasyon. Hindi nila ako nalilimutang imbitahin, ako din sa kanya.
Ako pa rin ang takbuhan niya tuwing kailangan niya ng excuses, pinagtatakpan ko pa rin siya even after highschool. Drinking buddy sa lahat ng problema.
Mahilig kaming kumain at mag gala. Dyan kami magkasundo. Buddy-buddy kami sa mga fiesta o kahit anong kainan man yan.
Nasa 3rd year college kami noong bumalik ulit ang sakit nya. For the longest time, akala ko completely healed na siya, nagkamali ako. Pero I felt no emotion dahil alam kong gagaling ulit siya. Hindi yun ang first time niya, immune na siya dahil simula ng magkaisip siya, taglay na niya yung sakit na yon.
Mas tumibay ang samahan namin dalawa. Most of the time, nandoon ako para sa kanya para suportahan siya. Ako ang number one fan niya noong sumali siya ng battle of the bands. Gitarista siya.
Mas maraming kalakohan pa. Kahit skinhead na siya, nalagas ang kilay at namanas ang katawan dahil sa gamot, hindi siya tumigil sa buhay. Pinagpatuloy ang nakagawian. Rock en roll pa din.
April 1995, we celebrated his last official birthday sa ospital. Nag overnight ako kasama ng family niya, hindi kami nag-usap. Hindi ko kayang tanggapin kung ano man ang sasabihin niya sa akin ng masaya gaya ng gusto niya. Hindi ako umiyak, hindi rin siya umiyak, infact I never saw him cry kahit isang beses. Pero alam ko nahihirapan siya.Umuwi ako kinabukasan, hindi ko na siya hinintay magising, hindi ako nagpaalam sa kanya dahil alam kong hindi pa naman yon ang huli naming pagkikita.
June of 1995, tinawagan niya ako, may post birthday celebration siya. Sinabay sa birthday nung isang ate niya. Pumunta ako, masaya siya. Malayo sa imahe na nakita ko sa ospital nung nag overnight ako. Naka bonnet na para itago ang kayang skinhead.
Naging busy ako sa school pagkatapos noon, yun ang huli naming pagkikita na buhay pa siya. Nagtatawagan lang kami sa telepono para magbalitaan. The last time na tumawag ako sa kanila, si tita ang naka-usap ko, wala ng energy si bestfriend para hawakan ang telepono. Sinabi kong dadalaw ako sa November 2 sa kanya pero last minute change, bumagyo noon kaya di ako nakalabas ng bahay.
November 4, 1995 ala-sais ng umaga. Ginising ako ng mommy ko dahil may tawag sa telepono. Yung tropa namin na teacher namin sa Filipino noong highschool. Sinagot ko ang tawag kahit ayaw ko dahil sobrang aga pa at inaantok pa ako. I then heard the bad news. Around 3 am that day, he passed away.
Cool pa ako noon, I went back to sleep dahil sa sobrang antok. Akala ko naginip lang ako so tinawagan ko ulit si teacher para mag confirm. Totoo nga, hindi ako nananaginip.
Wala na si bestfriend, wala yung taong kasama kong tumawa, manlait at kumain sa mga jologs na kainan (rich kid si bestfriend). Wala na yung taong nakakaintindi sa akin at nakaka-usap ko ng matino at seryoso. Naguilty ako dahil hindi ako nakadalaw sa kanya noong araw na sinabi kong dadalaw ako. I could have said my final goodbye. Sobrang sakit.
Others may find it weird pero eversince mamatay siya for the past 15 years, parati ko siyang dinadalaw sa sementeryo tuwing birthday niya, death anniversary at pasko. Wala pa akong na miss since then (kasi baka ako ang dalawin nya pag nakalimot ako). That’s the least that I can do to thank him for the awesome friendship.
Its been 15 years since he died of leukemia. He will remain as one of my bestfriends till life after death.
See you in heaven!